Sumasampalataya ako sa iisang Diyos, Amang makapangyarihan sa lahat, na may gawa ng langit at lupa, ng lahat ng nakikita at hindi nakikita. Sumasampalataya ako sa isang Panginoong Hesukristo, bugtong na Anak ng Diyos, sumilang sa Ama bago pa magkapanahon. Diyos buhat ng Diyos, liwanag buhat ng liwanag, Diyos na totoo buhat ng Diyos na totoo, sumilang at hindi ginawa, kaisa ng Ama sa pagka-Diyos, at sa pamamagitan Niya ay ginawa ang lahat. Dahil sa pawang mga tao at dahil sa ating kaligtasan, Siya ay nanaog mula sa kalangitan. Nagkatawang-tao Siya lalang ng Espiritu Santo kay Mariang Birhen, at naging tao. Ipinako sa krus dahil sa atin, nagpakasakit sa hatol ni Poncio Pilato, namatay at inilibing. Muling Siyang nabuhay sa ikatlong araw ayon sa banal na Kasulatan. Umakyat Siya sa kalangitan at lumuklok sa kanan ng Amang Maykapal. Paririto Siyang muli na may dakilang kapangyarihan, upang hukuman ang mga buhay at mga patay. Sumasampalataya ako sa Espiritu Santo, Panginoon at nagbibigay-buhay, na nanggagaling sa Ama at sa Anak. Sinasamba Siya at pinararangalan kaisa ng Ama at ng Anak. Nagsalita Siya sa pamamagitan ng mga propeta. Sumasampalataya ako sa iisang banal na Simbahang Katolika at apostolika. Gayundin sa isang binyag na ikapagpapatawad ng mga kasalanan. At hinihintay ko ang muling pagkabuhay ng nangamatay, at sa buhay na walang hanggan. Amen.